Dear Gumamela: May Iba Na Si Mister


Dear Gumamela,

Pakitago ako sa pangalan na Maricar, 38 yrs old, kasalukuyang OFW sa Lebanon. May 2 anak na parehas nasa kolehiyo sa Manila pero si Mister ay nasa Pampanga. 11 yrs na ako dito sa January pero umuuwi naman tuwing pagkatapos ng kontrata.

Umalis ako sa Pilipinas dahil gusto kong makatulong sa aking pamilya, mapag aral ko ang aking mga anak at makapag-ipon para sa pasisimula namin ng negosyo. Unang salta ko sa abroad, nahirapan ako, sa pagkain, sa amo, sa trabaho ngunit nitiis ko dahil wala naman akong pagpipilian. Kahit magreklamo ako hindi naman mababago ang sitwasyon kaya nagtiyaga ako at nagsikap na makapag ipon para mapagawa ang aming bahay. Nadaan yata sa dasal at pagpapakumbaba, bumait at itinuring akong kapamilya na ng amo ko at kanilang mga anak.

Maayos naman sa simula ang pagsasama namin ng asawa ko. Wala naman naging problema ngunit noong 2015 na uwi ko may napansin akong kakaiba sa kanya. Lagi siyang wala sa bahay, hindi na excited na dumating ako at minsan na lang namin makasama ng aming mga anak. May mga bulong bulungan sa kapitbahay na may babae daw si Mister pero hindi ko pinaniwalaan dahil inisip ko kung kailan kami tumanda tsaka naman siya magloloko. Hanggang nakabalik na ako dito sa abroad at patuloy pa rin na nagsisikap.

March 2017, may nag add sa akin na babae sa Facebook. Wala kaming common friends, sa una ayaw kung tanggapin ang friend request pero noong nagpadala na siya sa akin ng private message sabi niya kilala daw niya ako kasi same bayan lang kami sa Pampanga. Kakilala din daw niya ang aking asawa dahil namamasada at madalas nagiging pasahero daw siya. Hindi ko binigyan ng malisya ang mga sinasabi niya ngunit hindi ko maintindihan bakit iba ang pakiramdam ko.

Nitong nakaraang July, pinabakasyon ako ng amo ko dahil pumunta sila ng Amerika, 3 weeks sila doon ganun din ang binigay na bakasyon niya sa akin, gastos nila lahat. Hindi ko sinabi sa asawa ko na uuwi ako kasi balak ko sana siyang isurprise pero ako ang mas nasurprise dahil pagdating ko sa bahay inabutan ko si babae. Parang binagsakan ako ng langit at lupa. Gusto ko magwala, maglupasay pero nanaig ang respeto ko sa sarili ko. Kinasuhan ko siya sa barangay at pinalayas ang babae sa bahay.

Ngayon nalilito ako, galit ako pero dumarating sa puntong nanaig ang pagmamahal ko sa aking asawa. Ano po ba ang dapat kung gawin? Gustong makipagbalikan ng asawa ko at magsimula kami. Pinapauwi na rin niya ako upang magkasama na kami tutal naman daw gagraduate na ang panganay namin.

 

—————————————-**********************————————————

Dear Maricar,

Hinahangaan po namin ang dedikasyon at pagtityaga mo sa iyong trabaho. Ikaw po ay ehemplo ng pagsisikap at katatagan ng isang OFW, na sa kabila ng inyong pinagdaanan na hirap mas pinili ninyo pa rin makuha ang loob at pagmamahal ng iyong mga amo sa ibang bayan.

Napakaimportante sa isang relasyon ang tiwala, dahil dito magsisimula ang lahat. Respeto hindi lang sa ibang tao kundi sa sarili. Ito ang nawala sa relasyon ninyong mag-asawa. Sinubok kayo ng pagkakataon dahil sa milyang agwat ninyo sa isa’t-isa pero hindi pa rin po iyon excuse para lokohin ka niya o mambabae siya.

Kaya ninyo pa rin bang tanggapin ang asawa ninyo? Kung mapapatawag mo pa rin po siya, its about time to go home and save your marriage ngunit kung ang iniisip mo po para na lang sa anak niyo o para mabuo ang pamilya ninyo pag-isipan mo po ng mabuti. Ang relasyon ay hindi nasusukat sa kung ano ang kaya ninyong ibigay o isakripisyo kundi kung paano ka mabubuhay na buo ang iyong pagkatao. Life is too short para mabuhay sa expectations and standard na iba. Magdesisyon ka po na ang unang isinasaalang alang ay sarili mo. Malalaki na po ang mga anak niyo, soon magkakapamilya na rin sila, magkakaroon ng trabaho, sa palagay ko maiintidihan nila anuman ang maging desisyon mo.

Kung magkakabalikan kayo ni Mister, dapat ipakita niyang karapat dapat siya sa chance na ibibigay mo. Hindi sa umpisa lang pero kailangan niyang makuha ulit ang pagtitiwala mo, dahil kung ang pagbabasehan ko po ay ang sulat mo, makikita pong mahal mo pa rin siya.

Cheers! God is good!

 


Leave a Reply