Computer

  • 3
    Shares

COMPUTER
ni:Ricky Medrano

 

ikaw ba ay ano, sa buhay ng tao?
aral ba o tukso, ang daladala mo?
sayo’y naaadik, ang maraming tao
ano bang hiwagang, bumabalot sa’yo?

isang simpleng likhang, sa mundo’y kumalat,
katulad mo’y bombang, biglang sumambulat,
marami ang taong, sa iyo’y naghangad,
na ika’y maangkin, maging abot palad.

maging abot palad, sa tamang halaga,
kahit medyo mahal, pilit kinakaya,
sa iyo nagmula, ang mga istorya,
na sa iglap lamang, agad makikita,

sa iyo computer, ay kay daming kwento
mayroong masaya, minsan ay magulo
may humahalakhak, parang lukoluko
merong lumuluha, ng dahil sa iyo

maraming pag ibig, sayo natagpuan
idinaan sa chat, itong panliligaw
marami din naman, ang nagkahiwalay
dahil din sa chat, pamilya’y iniwan

oh kay daming bata, sayo’y nahumaling
sa edad na sampu, mata’y may salamin
mayroon ding ina, paborito ay farmville
pang abalang anak, buhay ay kinitil

may ilan din namang, sa iyo’y yumaman
pagkalapad lapad, ng mga taniman (farmville)
pero ang malungkot, walang pakinabang
kay daming tinanim, di naman matikman,

mga malalaswa, sayo’y makikita,
at may mga batang, sinasamantala,
pag di nabantayan, saan mapupunta,
di ba’t ito’y dungis, na di mabubura.

kalat din ang kendi, na lumalagunos,
lalo at pandalas, ang sayo’y pagpindot,
ngunit marami din, ang naiiyamot,
ang hangad na lebel, di nila maabot,

milyon ang babaeng, sayo’y nagtatambay
pag harap sa webcam, itong hanap buhay
sila’y naghuhubad, sila’y nagsasayaw
sila’y nagbibinta, ng sariling laman

oh! kay daming buhay, ang iyong sinira
sa maling pag gamit, ay napariwara
kaya huwag sana, na maging ulaga!
ang ating computer, gamitin ng tama

sa iyo computer, ako ay saludo,
kahit taong mangmang, sayo ay natuto,
mga dalubhasa’t, matalinong tao,
mga tanong nila, ay nasasagot mo,

kaya kung ano man, itong iyong papel,
marami ang taong,,,, iyong inalipin,
ano ba ang tunay, na dulot mong galing,
upang kaming tao, ikaw ay mahalin

isang simpleng likha, o gawa ng tao
ngunit bakit sila, itong alipin mo
ng dahil sa tao, ikaw ay narito
kaya sa Computer, wag tayong patalo.


  • 3
    Shares

Leave a Reply