Sa Likod Ng Maskara


Bawat tao ay may kanya kanyang paraan, pananaw  kung paano hinaharap ang problema. Ang iba maswerte dahil may pamilya, kaibigan at kakilala silang masasandalan o mahihingahan ng kanilang dinadala. Ang iba naman mas  takot na magsalita at ilabas ang totoong emosyon  dahil pinangungunahan sila ng agam-agam na hindi maintindihan at husgahan lang sa halip na unawain at tulungan.

Bakit mo ginawa? Tanong na paulit ulit naririnig  ngunit kawing kawing ang emosyon, hindi tiyak ang isasagot.  Hindi alam saan huhugot ng wastong sasabihin, ibabase ba sa nakaraan? sa nakagisnan? sa balintataw ng kahapon o sa memoryang pilit na pinaghihilom? Kailangan ko bang sagutin o hayaan na  lang ang kuro-kuro na magsilbing sagot sa kanilang mapangahas na tanong? Kapag isinalaysay ko ba ang pangyayari, titigil na sila o mas lalo pang dadami ang katanungan?

Ilang gabi kong pinag isipan, paulit ulit kong kinumbinsi ang sarili, ngayon na ba ang tamang oras para lumabas sa katotohanan at aminin na minsan ang pagkitil ng sariling buhay ay nakaulayaw. Madaming tanong na ang sagot ay panibagong tanong, tama ba itong gagawin ko? Tama bang pagkatapos ng dalawang dekada, tatanggalin ko ang maskara ng kahapon? Takot akong habambuhay ang aninong ito hahabulin ako na baka dumating sa puntong yakapin ko muli dahil hindi ako naglakas ng loob na isalaysay kung sino ako. Sa likod ng aking isipan, may pumipigil pa rin, bakit ngayon pa ilalahad kung kailan maayos na aking buhay at nakabangon na.

Sa edad na kinse anyos, pinagdaanan ko ang masalimuot na pangyayari na naging pelat sa aking sangkatauhan.  Ang pangitain ay paulit ulit na nakaulayaw, hanggang nanlata ang katawan at wala ng lakas para lumaban. Mapanghusga ang mundo. Sinubukan ko namang maging vocal sa nararamdaman, naging bukas  sa malapit na kaibigan ngunit hindi pala ganoon kadali dahil sila mismo ang unang hindi nakaintindi sa akin. Wala akong makapitan dahil sa takot na wala din namang patutunguhan.

 

Balintataw

“Hindi ko na kinaya. Ang pagsuko ginawa na. Hinawakan ang likidong kikitil ng buhay. Tinungga. Iniisip ito na ang hudyat ng paglisan. Hanggang mawalan ng malay.

Nagising sa Ospital, sa ingay ng mga aparatus na nakakabit sa katawan. Ang una kong nakita, si Mama mugto ang mata, masasalamin sa mukha ang pag-aalala. Lutang pa ang aking sarili siguro dahil sa gamot na ibinigay sa akin o sa epekto ng lasong aking ininum.

Ilang Linggo tumira sa Ospital. Habang nasa apat na sulok ako ng pagamutan, mas lalong nangibabaw ang galit sa aking puso, pati ba naman kamatayan itinakwil pa ako. Ipinagkanulo ako ng maskarang isinuot  ngunit habang  patuloy ang pagsikat ng araw, nanaig ang takot ko sa Diyos, at pagmamahal sa pamilya nangakong babangon sa abot kaya na darating ang araw, lahat ng ito ay magiging balintataw na lamang.

 

Realidad…

Madaling sabihin pero napakahirap pala gawin. Kung gaano kahirap ang pinagdaan o kinimkim na sama ng loob at emosyon, kung gaano kahirap pinaglaban ang lahat mas mahirap pala bumangon pagkatapos ng attempted suicide. Mas maraming hindi nakakaintindi sa sitwasyon, dumami ang mas mapanghusgang tao, nagkaanak ang kumukutya, at nawala ang mga ”kaibigan” na akala mo dadamay sa oras ng kailangan.

Saan mag uumpisa muli? Paano haharapin ang mga taong mas piniling yurakan ang iyong dangal kaysa unawain ang kinalalagyan? Anong sasabihin sa pamilya sa oras na magtanong na sila kung bakit ko ginawa? Mararamdaman mo ulit na ikaw ay nag iisa, na parang bang may kulang saiyo at higit sa lahat mali sa pagkato mo. Andun ang guilt na paulit ulit sasagi sa iyong isip, malalim na kalungkutan, kahihiyan para sa pamilya, at darating din sa puntong pati ang paniniwala  sa Itaas ay kukwestyunin mo. Magkakaroon ka ng sariling mundo, isyu kung paano magtitiwala sa iba dahil mismong sarili mo inakala hindi ka deserving sa magandang buhay dahil kasalanan ang kitilin ang sariling buhay. Luluha kang mag isa, dadalhin ka ng guilt sa kawalan at sa oras na gusto mo makalimot kusang mananaig ang alala at sa ayaw man o sa gusto masasaktan ka ulit.

Habang tumagal, unti unti kong natanggap na kailangan kong bumangon at magsikap hindi sa dinidikta ng iba. Ako ang gumawa ng sariling paraan para makalimot at magbago ang pananaw. Nagself research ako, help tips books, naging aktibo sa communidad at ipinagpatuloy ang pag aaral. Nagtapos ako ng high school baon pa rin ang sakit at hinanakit.

Pumunta ako ng Manila. Nagtrabaho, nag-aral at naging OFW. Mas mahirap ang nilakbay ko ng maging OFW. Siguro dahil hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na magcounseling kapag may problema pumapasok ang pagsuko sa paraan na ginawa ko dati. Homesickness, responsibility sa pamilya, adjustment sa trabaho, ibang kultura, nakakapanibangong klima, at ibang salita ay nagpatong patong para anurin uli sa kawalan. Kapag nagtaka ka palang pagpakamatay, bigla na lang darating sa na muli itong sasagi sa isip mo na gawin ulit kapag nasa punto ka na namang gusto mo tumakas.

Guilt- ito ang naramdaman kong napakahirap harapin. Naguguilty ako reputasyon ng pamilya na nasira ko. Nagsisi ako na ipinahiya ko ang aking pamilya. Lagi kong naiisip kung gaano kasakit sa isang Ina na kwestyunin ang pagpapalaki sa akin. Maraming nagsasabi ang talino ko naman pero bakit hindi ko ginamit at bakit nagpatalo sa  problema.

Wala sa talino o lakas ng loob ang issue ng mental health. Kapag patung-patong na tanikala ang dumating at kinimkim lang sa sarili, ang magiging kasunod na kabanata ay depression. Iyong pakiramdam mo lutang ang sarili mo, at ang tamang logic hindi mananaig.

Moving on– Sa  pag move on ko, mas malaking kalaban ang sarili. Minsan malayo na ang aking nilakbay ngunit biglang ang babalik na naman sa umpisa. Magsisi, magagalit, madedepressed at mawawalan ng pag asa. Importanteng mapatawad ang sarili at matanggap ang pagkakamali dahil ito ang magiging susi na maaappreciate ang lahat ng nangyayari sa paligid at outcome ng mga desisyon.

Support System– Ang taong dumaan sa depression kung walang support system mahihirapan makabalik sa tamang direksyon. Kailangan mo ng gagabay, mangangaral, at paulit ulit saiyong ipapaalala ang tunay na kahulugan ng buhay.

Counseling hinahawakan ko. Naging more vocal ako sa totoong nangyari, lahat ng maskara, pagkukunwari, takot, regrets mula pagkabata ay nireveal ko sa counselor. Doon ko rin narealized na ang ibang pangamba ko ay nasa isip ko lang, na binalot lang ako ng takot pero ang totoo madaming willing dumamay kailangan ko lang buksan ang aking puso at isip.

 

Pagbangon

Hindi na ako biktima kundi survivor.

Tuwing may nababalitaan akong nagpakamatay o nadedepressed, hanggat kaya ko binigbigyan ko sila ng oras, nakikinig ako sa kanila at mula sa pusong inuuunawa ang kanilang opinion, nararamdaman at pinagdadaanan. Alam ko ito na ang misyon ko ngayon, ang maiparating sa iba na hindi huli ang lahat para  magbago at magkaroon ng maayos na kinabukasan. Kapit lang sa Kanya at umasang bukas makalawa magiging okey ang lahat.

Ngayon ganap na ang aking paglaya sa aking nakaraan. Masaya at kuntento na ako sa aking kinalalagyan. Narealized ko siguro kaya nangyari ang lahat para maging mas matapang at matatag ako sa mga hamon sa buhay. May asawa na ako at nagsisimula ng pamilya. Pitong taon ko ng ginagawa ang Lapis at Papel Project, feeding activities at relief operation sa tulong din ng mga nakikilala ko at may adbokasyang sa simpleng paraan maaaring maging daan para makapag inspire ng iba. May mga oras na naaalala ko pa rin ang lahat, ngunit sa kaibturan ng aking puso wala na ang pait, pagsisisi at hinanakit dahil alam kong kahit nadapa man ako hindi ko hinayaang kainin ng galit ang purpose ko bakit nandito sa mundong ibabaw.

Bakit mo ginawa? Wala pa rin akong fix na sagot. Magkukubli na lang ako sa salitang ”baka ito ang itinakda”.

http://www.sba.ph


Leave a Reply