Sponsored Links
Advertisement

Mahiwagang Ulan




Ayaw ko ng ulan dahil kahit gaano ako kasaya pag umuulan nadadala ang aking emosyon. Inaanod ang sayang aking nararamdaman at dadalhin ako sa ilalim ng mga agam-agam sa buhay. Ito na ang nakasanayan kong mundo. Ang mga nakakakilala sa akin ng totoo, alam na nila na pag umulan bigla, malungkot na din ako.

Sa bawat tunog ng patak ng ulan para bang dinadaganan ako, iyong pakiramdam na nanghihina at natutuliro ang isip ko. May pagkakataon pa pag ako nag-iisa, habang umuulan sinasabayan din ng patak ng luha ko. Siguro dala ng kabataan ko, alaala ng malakas na bagyo at pangyayaring gumimbal sa akin sa panahon ng tag-ulan.

Ngayon habang ginagawa ko ito, malakas ang ulan dito. Nagtataka ako kasi wala akong maapuhap na lungkot sa aking puso. Ni hindi ako umiyak, o nagsara kurtina para ‘wag kung makita ang buhos ng ulan bagkus tinitigan ko ang bawat patak. Tiningnan ko ang daloy ng tubig at ang mga dahon na gumagalaw dulot ng hangin at ulan.

Wala na ba talaga ang takot sa aking dibdib? Ito ba’y hudyat na nag muli kong pagharap sa buhay na masaya at walang pag-aalinlangan? Kinakapa ko ang aking emosyon subalit parang tinangay na rin ang pait ng alaala ng lumipas. Tumingin ako sa salamin, tinatanong ko ang aking sarili, ngunit ang nakikita ko ang ngiti ng aking mga mata. May pag-asa pa. Muli kong yayakapin ang umaga na puno ng saya.

Siguro nga tama sila, nakatayo na muli si Gumamela. Muling mamumukadkad, muling sasaya at muling makikibaka. Nakagapos noon sa nakalipas ngunit ngayon mananatiling bakas na lamang ang lahat. Iisipin kung hindi pa huli ang lahat, na ito ang bagong simula ng mahiwaga kung paglalakbay. Saan man ako dalhin ng aking mga paa, iisa lang ang alam ko sa kasalukuyan, ang pagsuko wala sa aking sistema. Hahawakan kong muli ang aking sarili. Maglalakad na may tiwala at sasandig sa bisig Niya.


11 Comments

  1. Ching June 28, 2009
  2. lenz June 28, 2009
  3. Bhing June 28, 2009
  4. A-Z-E-L June 28, 2009
  5. Ching June 28, 2009
  6. bomzz-in-iraq June 28, 2009
  7. Bhing June 28, 2009
  8. kheed June 28, 2009
  9. poging (ilo)CANO June 28, 2009
  10. JasOnizeRs June 28, 2009
  11. Bhing June 28, 2009

Leave a Reply