Sponsored Links
Advertisement

Pagsasalamin Sa Salitang Pamilya



Isa akong OFW dito sa bansang Taiwan. Manggagawang nangangarap na maibigay ang maalwan na buhay para sa pamilya. Ang iwanan ang buhay na aking nakagisnan ay isang napakalaking hamon na sa simula puro agam-agam, takot at pagkabalisa ang pumuno sa aking kamalayan. Mahirap isantabi ang prinsipyong sa simula ay akin ng ipinaglalaban ito ang pagsilbihan ang bansang sinilangan. Isa akong kabataan noon na kalye ang kinasama at welga ang laging sinisigaw upang kalampagin ang mga nakaupo sa pwesto. Kalsada ang pansamantala kong naging tirahan.”Makibaka, huwag matakot, huwag paapi sa dayuhan at huwag maging dayuhan sa sariling bayan” Subalit sa aking pagbabalik tanaw ito ako nasa ibang bayan, nagsisilbi sa banyaga at aminin ko sa hindi may kirot sa aking puso na hindi ko nagawang pangatawan ang ideolohiyang aking ginawang sandata sa lahat ng unos sa aking dinaanan. Nasaan na ang aking pagiging makabayan?

“Strengthening the OFW Families: Stronger Homes for a Stronger Nation.” Ito ang tema ng PEBA ngayong taon. Isang napapanahong usapin na magbibigay ng masusing pagsusuri sa kung ano ang importante sa atin bilang OFW, anong mga naiambag natin sa ating kumunidad at ano na ang antas ng ating pagkatao hindi lang sa materyal na bagay bagkus sa larangan ng pakikipagkapwa. Ito rin ang magiging salamin upang mapag-aralan nating ang diwa at totoong kahulugan ng pamilya. Kung paano nating pangangalagaan ang pundasyon upang maging lakas ng ating bansa.

Sa pagluwas ng bansa, baon ko ang maletang puno ng pag-asa. Pag-asang nabibigay ng lakas at inspirasyon upang suungin ang pagpapalaot sa walang katiyakan na pakikipagsapalaran. Isang maletang andun ang lahat ng personal kung gamit sa literal na salita ngunit higit doon ang nakapaloob sa kailaliman ng aking puso. Andoon ang tibay ng loob, determinasyon at pangakong uuwi akong may nangyaring maganda sa aking pamilya. Sa bawat araw na dumaraan, pagkahungkag sa bagal ng takbo ng orasan, pagkabagot sa routine ng trabaho at pangungulila sa pamilya ay isa lamang sa pinakamahirap labanan. Sa tulad kong walang day-off, telepono at sulat ang isang napakalaking linya para mabawasan ang aking pangungulila at maramdaman kong hindi ako nag-iisa.

Saan ba ang sukatan ng salitang pamilya? Paano ang kategorya para masabing pamilya dahil ba sa dugong nagdudugtong o sa pinagsamahang puno ng pagmamahal at pagpapahalaga bilang tao. Madaming nagsasabi alipin kami sa ibang bayan, utusan at katulong ngunit sa bawat pangit na pinagdaanan ng iba may nakaramdam ng totoong pagtrato bilang tunay na kapamilya. Isa ako sa napakaswerteng “katulong” na nakuha ang ni minsan hindi ko pinangarap na pagtrato ng pasyenteng aking inaalagaan. Naramdaman ko ang respeto bilang tao, respeto sa aking paniniwala, pagpapahalaga sa aking mga karapatan at pagturing na walang bahid na discriminasyon. Natagpuan ko ang salitang “equality” at “fairness”. Ang hindi ko paglabas tuwing Linggo ay sarili kung desisyon dahil gusto kung mapunan ang kaibaitan nila sa akin.

Sabi ng iba paano ko mararamdaman ang tunay na salitang pamilya kung ako mismo ay walang asawa at anak? Paano nga ba? Wala ng hihigit pa sa responsibilidad ang magdala ng buong pamilya. Hindi lang anak at asawa ang bumuo ng sinasabi kong pamilya. Kasama sa laban ko bilang OFW ang mga kapatid, mga pamangkin, kamag-anak, kaibigan at magulang. Anu ang naiambag ko sa tema ng PEBA? Isa ako sa nagsikap upang lahat sila maigapang sa pag-aaral. Ang bunso kung kapatid nakapagtapos ng BSND, panganay na pamangkin BSOA, sumunod computer tech, at ngayon may pinapag aral ako sa kolehiyo information technology. May isa din akong high school na sinusuportahan (hindi ko kadugo) ngunit nakita ko ang pagpupursige niya na makapagtapos. Next year magkokoliheyo na rin. Naniniwala akong kahit nasa malayo ako, nagagampanan ko ang responsibilidad ko sa pagtatayod upang maging matatag ang aming pamilya. Hindi ko nakakalimutang tumawag at kumustahin ang kalagayan nila mula sa aking magulang, kapatid hanggang pamangkin. Isa ako sa nagbubuklod sa kanila. Ang pagigi kung OFW ang nagsisilbing tulay upang lahat sila ay magpunyagi sa hamon sa buhay.

Kapalit ng nagawa ko, andito pa rin sa aking puso ang mga panghihinayang. Tama, naibibigay ko sa kanila ang mga pangangailangan subalit maraming okasyon na wala ako sa piling nila. Mga oras na wala ako sa tabi nila lalo na sa panahong may nagkakasakit. Maraming hikbi ni Mama ang aking naririnig dahil sa mga importanteng salo-salong wala ang aking presensiya. Hindi ko rin kayang ibalik ang walong taon na hindi ko sila nakasama. Ito na siguro ang pinakamahirap na parte ng pagiging OFW, minsan pag-uwi hindi na ako kilala ng aking pamangkin. Kahit sabihin kong ako ang tita nila, sa musmos nilang isipan nagtatanong rin, bakit hindi nila ako nakikita. Hindi pa nila maiintindihan ang salitang kaya ako nasa ibang bansa para sa kanila dahil sa mura nilang pag-iisip ang pag-aaruga at pagkalinga ang dadalhin nila paglaki. Ito ang nararamdaman ko ngunit paano pa kaya ang mga nanay na nawala’y ng mas maaga sa kanilang anak? Paano pa ang mga tatay na malayo sa piling ni bunso at ang haligi sana ng tahanan humihikbi sa apat na sulok ng kwarto dahil nasa malayo.

Kaakibat ng pagiging OFW ang pagsasakripisyo at malaking responsibilidad na gawin sa abot ng makakaya na maging matatag ang pamilya kahit na milya ang pagitan. Hindi sapat ang salaping pinapadala para mapunan pangungulila ng bawat isa. Oras ang kailangan nila. Atensyon sa kanilang mga hinaing, tatay na makikinig, nanay na masasabihan ng lahat at kapatid na makikipagbiruan. Anu’t anuman magiging matibay lamang ang pamilya ng isang OFW sa pakikiisa ng bawat miyembro. Lahat may ambag, lahat kailangan magsakripisyo. Magiging lakas ng bansa sa pamamagitan ng sama-samang pagpupunyagi at pagsasagawa ng magandang asal. Ang kagandahang asal na natutunan sa loob ng tahanan ang magiging susi para sa ikatatatag ng ating bansa. Ang pakikiisa sa magandang layunin ng pamahalaan at pagiging parte ng adhikain ng bayan.

Ito ang pamilya ko sa Pilipinas. (kuha ito sa unang balik ko sa Pilipinas) Iniingatan ko ito, nakalagay sa gilid ng aking kama. Sa panahong nangungulila ako, nawawalan ng pag-asa ang larawan na ito ang pabibigay sa akin ng inspirasyon para mas lalo kung pagbutihan ang aking trabaho, na mas lalo ko iparamdam sa pasyente ang pagmamahal at pagkalinga na hindi ko magawa sa sarili kong Inay.

Ito ang pamilya ko dito sa Taiwan. Sandalan ko sa oras na ako’y nalilito. Tagasalo ng problema sa pinansyal at karamay ko sa tuwing nanghihina ako. Mag-isa lang si Yiyi sa Taiwan. Ang mga anak nya ay naninirahan na sa ibang bansa. Once a year lang sila umuuwi.

Ganito niya ako kamahal, ganito niya rin ako pahalagahan. Walang araw na hindi niya ako napapatawa at hindi siya mahirap pakibagayan. Mahilig siya magbigay ng mga bagay, unexpected gifts and praises. (hindi ko na sasabihin kung ano iyon, sa kadahilanang ayaw niya na isulat ko kung anu ang naitulong nya sa akin)

Ito ang larawan na nagkukumbinsi sa akin kung gaano siya kasaya na ako ang nag-aalaga sa kanya. By the way, iyong asawa niya ang una kong pasyente. Limang taon kong inalagaan. Hindi ko alam hanggang kailan siya magtatagal sa kadahilanang may kanser siya ngunit araw araw pinaparamdam ko sa kanya na hindi siya nag-iisa. Mahirap mag-alaga ng cancer patient lalo na kapag panahon ng chemo therapy. Isang madugong gabi at dinudurog ang aking puso kapag nakikita ko siyang nahihirapan. Ako rin ang nagsuggest sa family niya na on hold muna ang pagchemo. Enjoy na lang ang natitirang panahon nya dito. Ngayon, lagi kaming nasa labas, gumagala, pumupunta sa gusto niyang lugar at kumakain ng paborito niya. Walang iniisip na sakit kundi ang masayang pagkakataon.

” Gemma, i will die happily because i live my life and shared the remaining years with you. You showered me loved and cared that my own family can’t ” (mananatili ito sa aking puso). Hindi ko na rin ipinagdarasal na habaan pa ang kanyang buhay, ang lagi ko lang hinihingi kunin siya sa tahimik na pamamaraan.


43 Comments

  1. Lord CM July 23, 2010
  2. Mr. Thoughtskoto July 23, 2010
  3. Bhing July 23, 2010
  4. Bhing July 23, 2010
  5. Lord CM July 23, 2010
  6. kayni July 23, 2010
  7. Pinaywriter July 23, 2010
  8. Bhing July 23, 2010
  9. The Pope July 24, 2010
  10. Bhing July 24, 2010
  11. Anonymous July 24, 2010
  12. Bhing July 24, 2010
  13. Bhing July 24, 2010
  14. NoBenta July 24, 2010
  15. Ishmael Fischer Ahab July 24, 2010
  16. Bhing July 24, 2010
  17. gleth tejada-torres July 25, 2010
  18. Bhing July 25, 2010
  19. Raquel July 25, 2010
  20. lenz July 25, 2010
  21. Bhing July 25, 2010
  22. MarcoPaolo July 25, 2010
  23. angel July 26, 2010
  24. Bhing July 26, 2010
  25. Bhing July 26, 2010
  26. Bhing July 26, 2010
  27. Carmen A. August 7, 2010
  28. Carnation August 16, 2010
  29. nortehanon September 29, 2010
  30. kaye November 14, 2010
  31. Bon November 16, 2010
  32. Bon November 16, 2010
  33. Bhing November 16, 2010
  34. Bhing November 16, 2010
  35. Bhing November 16, 2010
  36. Bhing November 16, 2010
  37. bizjoker-of-the-philippines November 27, 2010
  38. bariles December 6, 2010
  39. Bhing December 7, 2010
  40. kit singson December 19, 2010
  41. Noel December 24, 2010
  42. Kuya Poklong March 19, 2011

Leave a Reply